BACOLOD CITY – Sa pangunguna ng Negros Occidental Police Provincial Office (NOCPPO), matagumpay na isinagawa ang Peace Covenant Signing para sa National and Local Elections (NLE) 2025 nito lamang ika-13 ng Pebrero, 2025 sa Camp Alfredo M. Montelibano Sr., Barangay Estefania, Bacolod City.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at mga kandidato mula sa iba’t ibang partido.


Nagsimula ang programa sa isang misa kasunod ang mensahe mula sa mga pangunahing opisyal tulad nina Atty. Ian Lee M. Ananoria ng COMELEC, PCOL Rainerio de Chavez, PD ng Negros Occidental Police Office at BGEN Ted B Dumosmog ng 303rd Brigade ng Philippine Army. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng mapayapang halalan at ang responsibilidad ng bawat isa na tiyakin ang integridad ng eleksyon.
Sa ikalawang bahagi ng programa, nanumpa ang mga kandidato sa harap ng publiko at lumagda sa peace covenant bilang simbolo ng kanilang pangakong sumunod sa patas at malinis na halalan. Sinundan ito ng isang seremonya kung saan pinakawalan ang mga kalapati bilang sagisag ng kapayapaan at pagkakaisa sa darating na eleksyon.
Matapos ang pirmahan, nagkaroon ng pagkakataon ang lahat ng dumalo para sa isang photo opportunity bilang tanda ng kanilang suporta sa inisyatibang ito.
Patuloy na ginagampanan ng mga awtoridad ang kanilang tungkulin upang matiyak ang isang ligtas, maayos, at mapayapang eleksyon sa 2025, kasabay ng kanilang adhikaing protektahan ang demokrasya at kapakanan ng bawat mamamayan.
SOURCE: PCADG WESTERN VISAYAS