Umakyat na sa Php3.2 milyong piso ang pinsalang iniwan ng bagyong Paeng sa mga imprastraktura sa lalawigan ng Samar.
Ito ay batay sa pinakahuling datos o situation report na inilabas ng Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon naman sa pinakahuling power situation bulletin ng Samar Electric Cooperative o SAMELCO, halos 90% ng mga barangays ang fully energized na o yung mga naibalik na ang mga kuryente matapos ang pagsasaayos sa mga nasira sa kasagsagang ng pananalasa ng bagyo.
Halos umabot naman sa Php200,000 ang halaga ng pinsala na iniwang ng Bagyong Paeng sa kabuhayan bunsod ng pagkasira ng ilang palayan sa Bayan ng Motiong, Samar at mga motor banca at iba pang kagamitan ng mga mangingisda sa mga bayan ng Almagro, Sto. Nino, Tagapul-an at Tarangnan.
Habang dalawa naman ang kumpirmadong patay dahil sa insidente ng pagkalunod ang naitala sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo, ito ay mula sa Lungsod ng Calbayog at mula sa bayan ng Matuguinao, Samar.
Samantala, ligtas naman na ang dalawang bata at kanilang ina na nasagip ng mga rescuer matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Brgy. Bunu-anan sa Catbalogan City, Samar nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 28, 2022.