Naglaan ng PHP22.3 milyong pondo ang pitong lokal na pamahalaan (LGUs) at dalawang non-government organizations (NGOs) ng Eastern Visayas para sa proyekto sa Ecosystem-based Adaptation (EbA) s upang labanan ang mga panganib dulot ng klima sa rehiyon.
Ipinahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) Regional Office noong Lunes, Nobyembre 25, 2024 na ang mga LGUs at NGOs na ito ay magpapatupad ng mga proyektong EbA sa ilalim ng Strengthening Disaster Resilience and Risk Mitigation through Ecosystem-Based Planning and Adaptation (E4DR) Project na suportado ng Deutsche Gesellschaft für Internationale Zusammenarbeit (GIZ).
“Layunin ng mga proyektong ito na palakasin ang kakayahan ng mga komunidad laban sa mga kalamidad at pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pag-aalaga at proteksyon sa kalikasan,” ayon kay NEDA Regional Director Meylene Rosales sa isang pahayag.
Ang mga implementer ay ang mga bayan ng Libagon at Saint Bernard sa Southern Leyte; Laoang, San Roque, at Mondragon sa Northern Samar; at Basey at Pinabacdao sa Samar.
Ang kasosyong NGO na South Pacific Integrated Area Development Foundation, Inc. (SPIADFI) ang nangangasiwa sa mga proyektong pamamahala ng kalamidad at adaptasyon sa komunidad pati na rin sa pagbibigay ng sustainable livelihood sa Tubod village, Silago, Southern Leyte.
Ang isa pang NGO, ang Sarayo Forests, Inc., ay inatasang magpatupad ng “Rooted in Resilience: Enhancing the Development of an Agroecology Demonstration Site” sa mga barangay ng Monbon at Sumoroy sa Palapag, Northern Samar.
Ang mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan ay kinabibilangan ng climate adaptive ecotourism sa bayan ng Libagon, pangangalaga sa mga mangrove forest at bird sanctuary sa Saint Bernard, proteksyon sa mga pampang ng ilog, enrichment planting, at pagtatayo ng nursery bilang mga hakbang sa ecosystem-based adaptation sa Laoang.
Kasama rin ang pagtatayo ng mangrove eco-park sa San Roque, flood mitigation at riverbank stabilization gamit ang bamboo sa Mondragon, community-based adaptation sa pamamagitan ng agro-forestry integration para sa seguridad sa pagkain sa Basey, at sustainable livelihood at coastal ecosystem development at protection project sa Pinabacdao.
“Layunin ng E4DR Project na itaguyod ang napapanatiling disaster risk management sa Silangang Visayas gamit ang EbA at climate risk insurance,” dagdag pa ni Rosales.
Ang mga hakbang ng EbA ay idinisenyo upang pangalagaan ang mga umiiral na ekosistema, tulad ng mga kagubatan ng catchment, wetlands, at mangrove forests, at makakatulong sa pagpapabuti ng pagkakaroon ng tubig, kalidad ng tubig, at pagpapababa ng mga panganib na may kaugnayan sa tubig.
Panulat ni Cami
Source: PNA