Tinanatayang nasa Php1 milyon ang cash prize na maaaring mapanalunan sa Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Festival sa darating na 2023, iyan ay ayon sa lokal na pamahalaan ng Kalibo.
Sa inilabas na pahayag ni Sir Mark Sy, tagapagsalita ni Kalibo Mayor Juris Bautista-Sucro, pinag-iisipan na ng kakabuong Kalibo Ati-Atihan Festival Board (Kafeb) kung anong contest category ang magkakaroon ng Php1 million cash prize.
Dagdag pa ni Sy na minabuti rin ni Mayor Sucro, na idonate ang kanyang unang buwanang sahod bilang seed capital sa 2023 festival.
Nais din nitong gawing makabuluhan at makulay ang naturang festival sa Kalibo sa darating na 2023.
Matatandaang nagsagawa na ang lokal na pamahalaan ng opening salvo ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival noong Oktubre 8, 2022, kung saan dumalo ang nasa 64 tribo sa buong bayan.
Ang naturang opening salvo ay tradisyon ng mga taga Kalibo bilang hudyat ng pagsisimula ng apat na buwang paghahanda sa kapistahan.
Ang Kalibo Sto. Niño ay tinaguriang Mother of Philippine Festivals, kung saan binigyan nitong inspirasyon ang iba pang mga festival sa bansa gaya ng Dinagyang sa Iloilo, Masskara sa Bacolod at Sinulog sa Cebu.
Gaganapin ang Kalibo Ati-Atihan Festival sa darating na Enero 11 hanggang Enero 17 sa susunod na taon.