Umabot sa Php1.3 bilyong halaga ng samu’t saring ilegal na droga ang nasabat ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas (PDEA 7) simula noong Enero 2022.
Pangunahin at karamihan sa mga nasamsam ng mga operatiba sa mga inilunsad na operasyon ay ang shabu na nagkakahalaga ng Php1.259 bilyon, sinundan ng marijuana (Php21.3 milyon) at Ecstasy (Php5 milyon).
Ang PDEA 7 ay nakapagsagawa ng nasa 8,354 anti-illegal drug operations mula noong simula ng taon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,088 na hinihinalang drug personalities.
Ayon kay Leia Albiar-Alcantara, PDEA 7 information officer, sa kabila ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga ang problema hinggil dito ay patuloy na nakakaapekto sa 45 porsiyento ng mga barangay sa rehiyon.