Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) ang mga hindi dokumentadong gamit na damit (used clothes) sa Matnog Port, Sorsogon noong ika-16 ng Disyembre 2022.
Nakita ang 41 bundle ng mga damit pang-ukay-ukay at ilang sapatos sa loob ng isang puti pampasaherong van na patungo sana sa Bayan ng Catarman, Northern Samar mula sa Maynila.
Ayon sa PCG Station Sorsogon, aabot sa mahigit Php1.1 milyon ang buong halaga ng damit, sapatos, at van.
Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang mga ito dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento at paglabag sa Republic Act No. 4653 at Republic Act 10863.
Pinapurihan naman ni Acting Customs District Collector Arthur Sevilla Jr. ang PCG-Sorsogon para sa kanilang natatanging kontribusyon sa nasabing operasyon.
Aniya bahagi umano ito ng mandato ng Bureau of Customs na puksain ang anumang porma ng smuggling sa ating bansa.
Sa ngayon ay nanatili sa kustodiya ng BOC ang naturang sasakyan habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.