Tuloy-tuloy at puspusan ang ginagawang pagbabantay ng Coast Guard Field Operating Unit – Eastern Visayas sa mga pantalan upang masigurado ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasilidad at ng mga kababayan nating byahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya laban sa anumang bantang panseguridad ngayong kapaskuhan.
Inaasahan kasi ang pagdagsa ng mga pasahero at bakasyunista papasok at palabas ng terminal at mga pantalan partikular sa San Isidro at Allen, Northern Samar ngayong ilang araw na lamang bago sumapit ang pasko at bagong taon.
Batay sa impormasyon ng Philippine Ports Authority (PPA) ay naka-deploy na ang mga port police sa mga pantalan at naghayag rin ito ng kahandaan dahil sa naging aktibo na muli ang mga empleyadong naka-duty sa Malasakit Help Desk upang asikasuhin ang mga uuwi sa mga lalawigan dito sa Samar at Leyte.
Katuwang ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard Station – Northern Samar ang Coast Guard K9 Eastern Visayas sa pag iikot sa loob at labas ng pantalan para mainspeksyon ang mga bagahe ng mga pasahero para masiguro ang seguridad at kaligtasan ng mga mananakay pauwi sa kani-kanilang mga probinsya.