Southern Leyte – Nagsagawa ang mga awtoridad mula sa PNP at AFP ng Peace Forum para sa mga SK Federation Presidents bilang bahagi ng programa ng Peace, Law Enforcement, Development and Security (PLEDS) Cluster, Provincial Task Force ELCAC ng lalawigan ng Southern Leyte na ginanap sa Canigao Island, Matalom, Leyte noong ika-23 hanggang 24, Hulyo 2022.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng tatlumpu’t-isang SK Federation Presidents, SK Chairperson at mga opisyal mula sa labing walong bayan ng Southern Leyte na pinangunahan ni Hon. David N. Labrador, ang Bise-Presidente ng nasabing Pederasyon.
Layunin ng naturang Peace Forum na pagkaisahin ang mga programa at proyekto ng mga kabataan na may kaugnayan sa pagsugpo ng mga gawain ng CPP-NPA-NDF gaya ng pagrecruit at pag-organisa ng mga kabataan upang maging tagasuporta sa armadong pakikibaka at kalaunay maging miyembro ng armadong NPA.
Tinalakay din sa naturang aktibidad ang mga sumusunod na usapin: ; Orientation patungkol sa Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) at Anti-illegal drugs; Orientation patungkol sa panlilinlang at illegal na pagrerecruit ng mga teroristang grupo na CPP-NPA-NDF; Youth in Nation Building at ang Strategic Planning; na sinundan ng mga testimonya ng mga dating rebelde na nagbalik-loob na sa pamahalaan patungkol sa kaibahan mula sa masasalimuot na mga naging karanasan nila habang sila ay nasa kilusan pa at ang kasalukuyang malaya at masayang pamumuhay nila sa pamayanan kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kabilang din sa isinagawa ang workshop at presentasyon patungkol sa mga plano, programa at mga aktibidad ng mga Sangguniang Kabataan at kung paano sila makakatulong sa pagsugpo sa insurhensiya sa ating bansa kasabay ang kanilang pangako na maging kabahagi ng solusyon at hindi maging dahilan ng problema.
Nagkaroon din ng team building activities upang magkaroon ng maayos na samahan ang bawat participants at masubok ang kanilang kakayahan at kahusayan pagdating sa mga suliranin na kanilang kinakaharap sa kani-kanilang mga komunidad bilang lider ng mga kabataan.
And aktibidad ay dinaluhan din ni Colonel Noel A. Vestuir, Inf (MNSA) PA, bilang panauhing pandangal na syang Pinuno ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade.
Nagbahagi rin si Col VESTUIR sa isang talakayan patungkol sa International Solidarity Works ng Communist Terrorist Group. Nagbigay din siya ng mensahe at pasasalamat sa mga lider-kabataan sa kanilang patuloy na suporta at pagsasagawa ng mga aktibidad upang mapigilan na ang panlilinlang ng mga teroristang CPP-NPA-NDF sa inosenteng mga kabataan.
“Natuwa ako doon sa narinig ko sa inyo na you are willing to be part of the solution to the problem, maraming mga kabataan na pagka sumigaw sa lansangan puro problema ang nakikita, ang tanong, are they willing to be part of the solution? I don’t know but I am in doubt na naging part sila ng solution. It is good that we see the problem, but it is different kung magiging part tayo ng solusyon at hindi tayo naging parte ng problem. Kayo na nandito ngayon, malaki ang kaibahan ninyo sa mga grupo ng mga kabataan na nagiging parte ng problema, hindi ng solusyon”, dagdag pa ni Col. Vestuir.
Sa huli, bago magtapos ang dalawang araw na aktibidad, nagkaroon ng Clean-up Drive sa Isla ng Canigao, kasama ang Pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan ng Matalom, Leyte sa pangunguna ni Hon. Christopher P. Daño, SK Federation President.
Naging matagumpay ang aktibidad sa tulong ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan partikular na ang mga member agencies ng PLEDS Cluster ng Regional Task Force ELCAC 8, kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Probinsiya ng Southern Leyte at ng mga Municipal SK Federation Presidents ng 18 na bayan sa Southern Leyte.