Thursday, November 7, 2024

HomeUncategorizedPCG, ipinagbawal ang paglalayag sa ibang bahagi ng Samar

PCG, ipinagbawal ang paglalayag sa ibang bahagi ng Samar

Pinasuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paglalayag sa ilang bahagi ng Northern Samar at Eastern Samar dahil sa pagtataas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dulot ng Tropical Depression Kristine.

Sa isang abiso sa mga marino na inilabas noong Lunes, Oktubre 21, 2024, sinabi ng mga PCG station sa dalawang lalawigan ng Samar na ang lahat ng sasakyang pandagat na bumabiyahe sa ruta sa hilagang-silangan ng Northern Samar at Eastern Samar ay ipinagbabawal na umalis sa mga pantalan.

Ang mga apektadong bayan ay kinabibilangan ng Laoang, Palapag, Mapanas, Gamay, Catubig, at Lapinig sa Northern Samar; at Jipapad, Arteche, San Policarpio, at Oras sa Eastern Samar.

Ang pangunahing naapektuhan ay ang mga biyahe patungo sa mga pulo sa hilagang-silangan ng dalawang lalawigan ng Samar.

“Ang lahat ng sasakyang pandagat ay pinapaalalahanan na gumawa ng mga hakbang para sa pag-iingat at maging mapanuri sa pagmamanman ng paggalaw ng bagyo kung sila ay apektado ng nasabing kondisyon ng panahon. Ang biyahe ng mga sasakyang pandagat ay magpapatuloy hanggang sa susunod na abiso at sa pagbuti ng kondisyon ng panahon at dagat,” ayon sa pahayag ng PCG.

Sa huling pagtataya ng 11 a.m. ng PAGASA, sinabi nitong ang Kristine ay may maximum sustained winds na 55 kilometers per hour malapit sa gitna at may gustiness na umabot sa 70 kph. Huli itong na-trak na 870 km silangan ng Eastern Visayas.

Ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ay itinataas sa Catanduanes, Masbate kasama ang Ticao Island at Burias Island, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Camarines Norte, at sa silangang bahagi ng Quezon sa Luzon.

Itinaas din ang parehong signal sa Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Leyte, Biliran, at Southern Leyte sa Visayas; at Dinagat Islands, Surigao del Norte, kasama ang Siargao sa Mindanao.

Samantala, kinansela ng Cebu Port Authority (CPA) ang mga biyahe mula Cebu patungo sa iba’t ibang mga pantalan sa Leyte dahil kay Kristine.

Kinansela ng port authority ang mga biyahe patungong Ormoc simula noong tanghali ng Lunes at ang biyahe na 2 p.m. patungong Hilongos.

Kinansela rin ang biyahe patungong Calbayog na dapat sana ay umalis sa Cebu City port ng 5 p.m.

Kasama ring nakansela ang biyahe mula sa Maya Port sa hilagang bayan ng Daanbantayan patungong Matnog Port sa Sorsogon.

Isang biyahe rin ang kinansela na nakalaan para sa Dipolog City, Maasin at Surigao.

Panulat ni Cami
Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
155SubscribersSubscribe