Balak palakasin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at bansang Australia partikular na sa Renewable Energy, agrikultura, digital economy, imprastraktura, turismo at sektor ng pangkalusugan.
Ito ay kasunod sa pagtanggap ng pangulo sa Southeast Asia Economic Strategy to 2040 ng bansang Australia, na layuning mas palawakin at pagtibayin pa ang pakikipagtulungan ng naturang bansa kaugnay sa pagpapalago ng ekonomiya katuwang ang mga bansang bumubuo ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.
“The economic cooperation infrastructures and web of free trade agreements that ASEAN and Australia have established over the years provide a solid foundation for this Strategy to flourish and to create a shared future that is peaceful and is prosperous,” saad ni Pres. Marcos sa isang plenary session ng ASEAN-Australia Special Summit na ginanap sa Melbourne, Australia.
Dagdag pa ng Pangulo na ang naturang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng ASEAN at Australia ay malaking tulong hindi lamang sa mga Pilipino kundi sa lahat ng mga mamamayan ng mga bansang bumubuo ng ASEAN upang magkaroon ng matibay, maayos at maunlad na kinabukasan.
Samantala, tagumpay namang nakalikom ang Pangulo ng kabuuang nasa Php86 billion halaga ng mga investment deal mula sa iba’t ibang Australian business leaders na nakapulong niya pagkatapos ng ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne.
Source: PNA
Photo Courtesy by Presidential Communications Office