Dinaluhan at personal na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon ng bagong Samar Pacific Coastal Road Project sa Brgy. Simora, Palapag, Northern Samar nitong nakaraang Biyernes, Hlulyo 14, 2023.
Ang nasabing 11.6 kilometrong kalsada ay pormal na binuksan nitong Hulyo 17 makalipas ang 30 taon ng pagpaplano kung saan layunin ng proyekto na magkonekta sa bayan ng Palapag at Laoang sa Northern Samar at inaasahang magseserbisyo sa 3,000 katao kada araw.
“Pinagbubuklod natin ang mga sakahan, palaisdaan, at mga komunidad ng Northern Samar para sa pag-unlad ng buong isla”, pahayag ni Pangulong Marcos.
Nasa Php1.03 Bilyon peso naman ang pondong iginugol sa proyekto ito ng gobyerno ng Pilipinas sa pakikipagtulungan ng Export – Import Bank of Korea.
Sa kanyang mensahe, umaasa ang Pangulong Marcos na dahil sa bagong kalsada ay mas mapapabilis ang paggalaw at paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga Nortehanon, mapapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lugar gayundin ang pagpapabuti sa kalagayan ng ekonomiya at kabuhayan ng mga mamamayan.
Umaasa naman si DPWH Secretary Manuel Bonoan na bababa hanggang sa limang oras na lamang ang byahe ng mga motorista mula sa bayan ng Palapag hanggang sa Catarman dahil sa naturang proyekto.
Naniniwala naman si Palapag Mayor Fawa Batula na malaking tulong ang proyektong ito sa transportasyon, turismo, ekonomiya at seguridad sa nasabing lugar.