Nagbigay babala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Northern Samar sa mga lokal na pamahalaan at residente na maging alerto bunsod ng malalakas na pag-ulan sa probinsya na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Inilabas ang red rainfall warning sa Northern Samar ngayong umaga ng Biyernes, ika-10 ng Enero 2024 na nangangahulugang inaasahan ang matinding pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha, landslide, at iba pang panganib.
“Pinaaalalahanan ang lahat na subaybayan ang mga update. Mangyaring makipagtulungan kung kinakailangang lumikas. Dapat unahin ang inyong kaligtasan,” ayon sa advisory ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon sa PDRRMO, pinayuhan ang mga komunidad na malapit sa mga ilog ng Catarman, Bugko, Pambujan, Catubig, Palapag, Mano, at Gamay, pati na rin ang mga daluyan nito, na bantayan ang pagtaas ng tubig.
Dahil sa naitalang pagbaha sa ilang bahagi ng probinsya, ipinag-utos ni Gobernador Edwin Ongchuan ang pagsususpinde ng klase sa buong Northern Samar pati na rin ang trabaho sa Provincial Capitol.
Samantala, sinuspinde rin ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan ng mga alkalde ng Catarman, Mondragon, Laoang, Lope de Vega, Pambujan, at San Jose.
Ang matinding pag-ulan ay dulot ng shear line, na nakaaapekto rin sa ilang bayan sa Eastern Samar.
Panulat ni Cami
Source: PNA