Ang low-pressure area at northeast monsoon ay maaaring magdulot ng pagbaha sa mga baybayin sa rehiyon ng Eastern Visayas, babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Enero 9, 2023.
Sa isang advisory, tinukoy ng PAGASA ang ilang mga baybayin sa anim na lalawigan na posibleng maapektuhan ng buhos ng ulan — Sangputan, Palo, Solano, Daguitan, Marabong, Cadacan, Bongquirogon, Salug, Pagbanagaran, Pagsangahan at Binahaan sa Leyte; at Catarman, Bugko, Pambujan, Catubig, Palapag, Mano at Gamay sa Northern Samar.
Kabilang pati dito ang baybayin sa Oras, Dolores, Ulot, Taft, Borongan, Suribao, Llorente, Balangiga at Sulat sa Eastern Samar; Basey, Silaga, Calbiga, at Jibatan sa Samar; Bisay, Himbangan at Pandan sa Southern Leyte; at lahat ng sistema ng ilog sa lalawigan ng Biliran.
Binalaan din ng weather bureau ang mga nakatira sa mababang lugar na manatiling alerto sa posibleng pagbaha.
Ang mga naninirahan malapit sa mga paanan ng bundok ay pinayuhan din na mag-ingat sa maaring pagguho ng lupa.
Ilang lugar sa rehiyon ang nakararanas ng mga pag-ulan mula noong ikatlong linggo ng Disyembre dahil sa masamang panahon.
Noong Lunes, inilagay din ng PAGASA ang lalawigan ng Leyte sa ilalim ng yellow rainfall warning at Southern Leyte sa ilalim ng orange rainfall warning.
Ang malakas na buhos ng ulan ay bunsod ng low-pressure area na nakakaapekto sa Visayas at Mindanao at north-east monsoon na nakakaapekto sa Luzon.