Ipinatutupad sa buong lungsod ng Danao sa Cebu ang pagbabawal sa mga malalaswang aktibidad alinsunod sa ordinansa ng lokal na pamahalaan upang bigyan ang mga residente, lalo na ang mga kababaihan, mga bata, matatanda at sa lahat ng uri ng kasarian ng higit na proteksyon.
Si Konsehal Carmen Remedios Durano ang may akda ng Ordinansa, na tinatawag ding “Safe Spaces Act” o “Bawal Bastos Law”, bilang pagsunod sa Republic Act. No. 11313, na nagbabawal sa anumang uri ng hindi kanais-nais at sekswal na pag-uugali sa isang indibidwal, kabilang na ang pagsipol, paghipo, pagmumura, at pamboboso.
Bukod sa mga nabanggit, hindi rin pinapayagan ang paggamit ng foul language sa publiko, sa internet, sa trabaho, sa mga paaralan, o sa mga pampublikong sasakyan.
Upang matiyak na mababasa ng mga residente ang nasabing ordinansa, binigyan ng direktiba ang mga tauhan ng pamahalaang lungsod na ilathala ito sa mga pampublikong lugar tulad ng mga barangay hall, workplaces, hotels, restaurants, at public utility vehicles.
Ang puwersa ng pulisya ay inatasan na ipatupad ang nasabing ordinansa sa buong lungsod.
Ang mahuhuling lalabag sa panuntunan ay pagmumultahin ng hanggang Php30,000 para sa unang paglabag, Php50,000 para sa ikalawang paglabag, at Php100,000 o hindi hihigit sa Php500,000 para sa ikatlong paglabag at pagkakulong.
Ang pagpapatupad sa ordinansang ito ay makakatulong sa pangangalaga ng karapatan ng bawat isa at magbibigay ng kamalayan sa lipunan ng mga bagong ipinapatupad na batas.