Cebu City – Limang indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-criminality operations ng kapulisan sa lungsod nitong Mayo 21, 2025, matapos mahulihan ng pinaghihinalaang ilegal na droga at hindi lisensyadong baril.
Unang naaresto bandang alas-8:05 ng gabi si alyas “Cathy,” 28-anyos, sa Sitio Bognay 3, Barangay Labangon ng mga pulis mula sa Labangon Police Station. Nasamsam mula sa kanya ang apat na maliliit na pakete ng hinihinalang shabu na may halagang P2,176.
Makaraan ang 20 minuto, nahuli rin si alyas “Sansan,” 45-anyos, ng mga tauhan ng Parian Police sa isinagawang detective patrol sa Sitio Samayo, Barangay Lorega. Dalawang pakete ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P544 ang narekober mula sa kanya.
Samantala, si alyas “Michael,” 36-anyos, na itinuturing na street-level drug personality, ay nasakote rin sa Barangay Tejero ng mga operatiba ng Waterfront Police Station. Nakumpiska sa kanya ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,720.
Sa Barangay Mambaling naman, bandang alas-10:25 ng gabi, naaresto si alyas “Atan,” 35-anyos, sa isang Oplan Bulabog operation ng Mambaling Police Station. Pitong pakete ng hinihinalang shabu at isang drug container ang nakuha mula sa kanya.
Bukod sa mga ito, isang armadong lalaki rin ang naaresto sa Barangay Poblacion Pardo. Si alyas “Roger,” 44-anyos, ay nahulihan ng isang hindi lisensyadong .38 revolver na may dalawang buhay na bala sa Rockville Subdivision, bandang alas-8 ng gabi.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
Source: JDG/Sunstar