Patuloy na namahagi ng mga relief goods ang mga tauhan ng Office of Civil Defense (OCD) 8 (Eastern Visayas) sa mga residenteng nasalantan ni bagyong Tino sa lalawigan ng Southern Leyte nitong Biyernes, November 7, 2025.
Ayon pa ni OCD-8 Officer in Charge Rey Gozon, na ang naturang pamamahagi ay isinakatuparan sa pagtutulungan ng mga Regional Response Cluster.
Matatandaang nauna ng bumisita si Gozon sa mga apektadong lokalidad sa lalawigan kasama ang iba’t ibang miyembro ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Councils na kung saan nagsagawa ng assessment sa sitwasyon ng mga apektadong residente.
“As chair of the Regional DRRM Council, the OCD, together with DSWD (Department of Social Welfare and Development) as vice chair for disaster response and early recovery, we call for unified and well-coordinated actions among member agencies to ensure efficient delivery of aid and acknowledgment of all humanitarian assistance and disaster response efforts,” saad pa ni Gozon.
Samantala, nitong November 6, tuluyan ng isinailalim ang Southern Leyte sa state of calamity alinsunod sa Executive Order 54, series of 2025, upang mapadali pa ang paghahatid ng mga relief at recovery efforts.
Nauna ng namahagi ng non-food items ang OCD-8, sa pakikipagtulungan sa Tactical Operations Group 8 – Tacloban, Joint Task Group Tacloban, at ACCESS 5, para sa mga residente sa bayan ng Bontoc, Southern Leyte. Tinatayang nasa 180 hygiene kits ang naipamahagi ng grupo sa nasabing komunidad na nakaranas ng matinding landslide, habang nasa 180 kits naman ang naipamahagi sa bayan ng Saint Bernard.
