Janiuay, Iloilo- Sumuko ang isang Communist National Terrorist (CNT) member sa mga tauhan ng 82nd Infantry (Bantay Laya) Battalion, 3rd Infantry (Spearhead) Division, Philippine Army sa Advanced Command Post, Sitio Asinan, Brgy Jibolo, Janiuay, Iloilo nitong Setyembre 13, 2022.
Matapos ang sunod-sunod na negosasyon ng 82nd Infantry Battalion, Philippine Army at ng 603rd Company, Regional Mobile Force Battalion 6 (RMFB6), tuluyan ng sumuko si “RR,” 26 anyos mula sa Janiuay, Iloilo, dala ang kanyang isang (1) homemade 12-gauge shotgun.
Si RR ay miyembro ng 2nd Squad, Baloy Platoon, Central Front, Komiteng Rehiyon Panay na sangkot sa ibat-ibang krimen ng pagpatay sa ikatlong distrito ng Iloilo, at sa iba pang bahagi ng lalawigan Capiz.
Matapos ang mahirap na karanasan kasama ang CPP NPA, napagtanto ni RR na hindi sagot ang armadong pakikibaka sa lahat ng problema sa komunidad. Nagdesisyon syang kumalas sa rebeldeng grupo upang magkaroon ng panibagong buhay na malayo sa kaguluhan.
Samantala pinuri naman ni Lieutenant Colonel Clifford S Catubigan, Commanding Officer, 82IB ang pagsisikap ng PNP at ng Philippine Army sa pagkumbinse ng mga NPA member na magbalik loob sa pamahalaan at mamuhay ng payapa.
Nagpasalamat naman si Mayor Paulino M Parian, Municipal Mayor ng Janiuay sa lahat ng mga miyembro ng security forces sa kanilang bayan sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at tiniyak ang kanyang buong suporta para sa mga dating rebelde.