Himamaylan City, Negros Occidental- Kinumperma ni Brigadier General Inocencio Pasaporte, Commander ng 303rd Infantry Brigade, Philippine Army na residente rin ng Himamaylan City ang nasawing NPA sa engkwentro na naganap kahapon sa pagitan ng sundalo at ng rebeldeng grupo sa Sitio Bulasot, Barangay Buenavista, Himamaylan City.
Ayon ni Brigadier Pasaporte, hindi bababa sa 20 na mga miyembro ng NPA mula sa Central Negros II ang naka-engkwentro ng 94th IB kahapon ng umaga, Agosto 11, 2022 sa nasabing lungsod. Tinatayang umabot sa 40 na minute ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo.
Sa clearing operation na isinagawa ng mga awtoridad, nakita ang isang bangkay ng lalaking rebelde habang narekober naman ang isang M16 na may magazine at mga bala.
Natagpuan din ng grupo ang barung-barong ng mga rebelde kung saan naiwan ang mga personal na kagamitan nila at mga mahahalagang dokumento.
Kanina lamang madaling araw naibaba ang nasabing bangkay mula sa encounter site sanhi ng malakas na ulan. Dinala naman ito agad sa punerarya at doon iclaim ng mga pamilya nito.
Dagdag pa ni Pasaporte, na nakilala na ang lalaking nasawi at residente ito ng Barangay Buenavista ng parehong lungsod.
Ayon pa ng Brigade Commander, ihahayag nila ang pagkakilanlan ng nasawing NPA kung maclaim na ito ng pamilya bilang pagbibigay respeto sa kanila.