Himamaylan City, Negros Occidental – Sumuko ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga tauhan ng 94th Infantry Battalion (94IB) Philippine Army nitong ika-21 ng Oktubre 2022 sa Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.
Kinilala ang sumuko na si alyas “Janjan”, residente ng parehong barangay, na umamin na bahagi siya sa mga nakaraang encounter sa pagitan ng mga sundalo sa nasabing lugar kamakailan lamang.
Ayon kay Captain Mervin Rosal, Civil Military Operations Officer ng 303rd Infantry Brigade (303IB), Philippine Army, isinalaysay ni Janjan na nasa walo ang sugatan sa panig ng NPA sa sunud-sunod na mga encounter na naganap sa lugar.
Sinabi rin ni Janjan na naatasan siyang magbitbit sa mga baril ng mga sugatang kasamahan, tumakas na lamang siya ng makahanap ng oportunidad sanhi ng inilunsad na tuloy-tuloy na hot pursuit operation ng mga militar.
Isinuko ni Janjan ang dalawang M16A1 assault rifle na may kasamang live ammunition at mga magazine.
Sa isinagawang interview, sinabi ni Janjan na puyat at gutom ang kanyang tiniis at naranasan mula nang siya ay mapabilang sa rebeldeng pakikibaka, kaya nang matanto nitong wala talagang patutunguhan ang kanilang pakikibaka, at dulot na rin sa takot sa kanyang buhay at kaligtasan, pinili nitong sumuko sa mga awtoridad at magbalik-loob sa pamahalaan.
Pinuri naman ni 303rd Infantry Brigade Commander, Brigadier General Inocencio Pasaporte si Janjan sa katapangan nitong tumiwalag sa rebeldeng samahan at nangakong tutulong ito upang mas mapadali ang pag-avail ni Janjan sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at iba pang mga cash assistance mula sa pamahalaan.
Tiniyak din ni Brigadier General Pasaporte ang publiko na mananatiling bukas at handa ang Philippine Army na i-assist ang mga rebeldeng NPA na nagbabalak ng sumuko at magpasakop sa batas.