Catbalogan City – Isang miyembro ng NPA ang sumuko kasama ang 19 na baril sa 46th Infantry Battalion, Philippine Army sa Samar noong Nobyembre 19, 2022.
Kinilala ang sumuko na si Anthony Encinas alyas “Aljur”, miyembro ng terrorist group Bugsok Platoon ng Eastern Visayas Regional Party Committee. Siya ay naglakad ng 37 oras mula sa hideout ng NPA sa Basey, Samar hanggang sa kanilang tahanan sa Brgy Antol, Calbiga, Samar upang sumuko.
Dala ni Encinas ang isang .45 caliber pistol nang sumuko ito sa 46IB noong Nob. 19 habang ang 18 pang cache firearms ay nakuha noong Nob. 20.
“Sumuko ako dahil madalas na nag-aaway ang mga kasama at kadre dahil sa hindi pagtanggap ng kaniya-kaniyang mga idea at pamamaraan”, sabi ni Encinas.
Noong Nobyembre 8, sa pamamagitan ng inisyatiba ng 801st Infantry Brigade (controlling unit ng 46IB), nagsagawa ng dayalogo ang mga dating kadre ng CPP-NPA sa mga magulang at kaanak ng aktibong miyembro ng NPA sa Calbiga, Samar. Isa sa mga dumalo ay si Mrs Thelma Encinas, ina ni Anthony Encinas.
Nang biglang dumating si Anthony sa kanilang bahay bandang 6:00 ng hapon noong Nob. 18, sinabi ni Thelma na nagulat siya dahil nawalan sila ng contak ni Anthony mula nang sumali ito sa teroristang organisasyon. Sinabi niya na hindi siya nagdalawang isip na sabihin sa kanyang anak na agad na sumuko sa mga sundalo dahil malugod na tatanggapin ng gobyerno ang kanyang pagbabalik sa larangan ng batas.
“Sobrang saya ko, umuwi siya. Sobrang nag-aalala ako. May sakit na ako (goiter), may epilepsy ang kapatid nila pero pinipilit kong maging malakas para sa mga anak ko” ani Thelma sa waray.
Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay na ang Local Peace Engagement ay mabisa para masolusyunan ang local communist armed conflict.