Sunday, October 26, 2025

HomeNewsNorthern Samar Provincial Hospital, humihiling ng pang-unawa dahil sa pagdagda ng mga...

Northern Samar Provincial Hospital, humihiling ng pang-unawa dahil sa pagdagda ng mga pasyente

Nanawagan ang pamunuan ng Northern Samar Provincial Hospital (NSPH) sa publiko na unawain ang kasalukuyang sitwasyon ng ospital na ngayon ay nakararanas ng biglaang pagdami ng mga pasyenteng ina-admit, na higit pa sa itinakdang kapasidad nito.

Ayon kay Dr. Joseph Estanislao, chief ng NSPH, umaabot na sa 360 ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-admit — higit doble sa awtorisadong 150-bed capacity at lumalampas pa sa aktuwal na 200-bed operating capacity ng ospital.

Karamihan umano sa mga kaso ay mula sa medicine at pediatric wards, na ngayon ay kapos na sa espasyo para sa mga bagong pasyente.

“Humihingi kami ng pang-unawa at kooperasyon mula sa publiko. Ginagawa namin ang lahat ng makakaya upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa lahat, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang atensyong medikal.” pahayag ni Dr. Estanislao, nito lamang Oktubre 22, 2025.

Upang mas epektibong matugunan ang mga kritikal at emerhensiyang kaso, nananawagan ang NSPH sa mga partner hospitals at sa publiko na bigyang-priyoridad ang mga pasyenteng nangangailangan ng mas mataas na antas ng medikal na pangangalaga.

Hinimok din ni Dr. Estanislao ang mga municipal health centers at district hospitals na istabilisa muna ang kalagayan ng mga pasyente bago sila i-refer o ilipat sa NSPH.

Bilang bahagi ng contingency measures, pinag-aaralan ng ospital ang paglipat ng mga pasyenteng may hindi malulubhang karamdaman sa mga karatig na ospital gaya ng Allen District Hospital (Level 1) at Catubig District Hospital (Infirmary Level). Sa ganitong paraan, magkakaroon ng mas maraming espasyo para sa mga pasyenteng may seryosong kondisyon tulad ng stroke at pneumonia.

Ang lalawigan ng Northern Samar ay may walong district hospitals na nakapuwesto sa iba’t ibang bayan — kabilang ang mga isla ng Capul, San Antonio, Biri, at San Vicente, pati na rin sa Gamay, Catubig, Laoang, at Allen.

Bukod dito, mayroong 24 na municipal health centers sa bawat bayan na handang tumanggap ng mga basic health emergencies at outpatient cases upang makatulong sa pagpapagaan ng sitwasyon sa NSPH.

“Ang aming pangunahing layunin ay matiyak na ang mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyon ay matutugunan sa lalong madaling panahon. Sa tulong at kooperasyon ng lahat, makakayanan natin ang hamon na ito.” dagdag pa ni Dr. Estanislao.

Panulat ni Cami
Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]