Tiniyak ni Negros Oriental Governor Manuel “Chaco” Sagarbarria na tutukan muna ang pagpapaigting ng seguridad, kapayapaan at kaayusan ng lalawigan sa gitna ng petisyon para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Ellections (BSKE) sa lalawigan ngayong Oktubre 30, 2023.
Sa payahag ni Sagarbarria noong Miyerkules, Hunyo 28, 2023, na kung magdesisyon ang Commission on Election (Comelec) en banc na ituloy o ipagpaliban at isulong sa ibang araw ang BSKE sa kanyang lalawigan, sisiguraduhin niyang mapapanatili ang seguridad at ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Ito ang kaniyang komento sa nagpapatuloy na pampublikong pagdinig at konsultasyon sa iba’t ibang bayan at lungsod sa buong lalawigan, kung saan pinag-usapan ng iba’t ibang opisyal ng Lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno, simbahan, business community, kabataan, at iba pang sektor ang panukalang pagpapaliban ng BSKE sa Negros Oriental.
Pinangunahan ni Comelec Chair George Erwin Garcia kasama ang en banc officials, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Andres Centino, at Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda, Jr. ang public hearing at consultations.
Ang mga dahilan para sa iminungkahing pagpapaliban ay kinabibilangan ng mga alalahanin sa seguridad, pagbabanta, posibleng karahasan, at mga aktibidad na kriminal na magaganap sa lalawigan kung magpapatuloy ang BSKE gaya ng nakatakda.
Idinagdag niya na ang desisyon sa panukalang pagpapaliban ng BSKE ay wala sa kanyang mga kamay at kung ito ay napagdesisyunan ng Comelec o ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., para ipagpaliban o ituloy, susuportahan niya ang naturang desisyon.
Ang pagpatay kay Gobernador Roel Degamo noong Marso 4 ay nakaapekto sa turismo at komersyo ng lalawigan, dahil sa pangamba sa posibleng karahasan at kriminal na gawain.
Kaya naman ang muling pagbuhay sa turismo ay isa sa kanyang mga prayoridad sa kanyang termino bilang bagong pinuno ng pamahalaang panlalawigan.
“Naawa ako sa inyong mga negosyante, sa mga may-ari ng resort, partikular sa maliliit na sari-sari store dahil sa katotohanan na ang Negros Oriental ay itinuturing na hotspot, ngunit ginagarantiyahan ko sa ilalim ng aking pamumuno ay ligtas at mapayapa na ang lalawigan,” sabi ni Sagarbarria.