Isang rider ng Motorcycle delivery app ang nahuli sa isang checkpoint sa pagsisimula ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Oktubre 30, 2023.
Kinilala ang suspek na si Angelito Piedad Hiyas, 47, Maxim rider mula sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City at nakuha sa kanya ang isang 9mm pistol na may pitong bala.
Ang checkpoint ay isinagawa ng Commission on Election (Comelec) at ng Cordova Police sa pangunguna ni Police Major Michael Gingoyon sa kahabaan ng national highway sa Barangay Pilipog, Cordova bandang 1:50 ng umaga noong Lunes, Agosto 28, 2023.
Patungo sa Barangay Poblacion sa Cordova ang suspek nang makita ang checkpoint at nagpasyang tumalikod na naging dahilan upang mahabol at ma-corner ng mga pulis.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comelec gun ban, na nagsimula nitong Agosto 28 hanggang Nobyembre 29.