Patay ang isang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa sagupaan ng mga sundalo ng 62nd Infantry Battalion (62IB) ng Philippine Army sa isang liblib na barangay sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Ang nasawing miyembro ng rebeldeng grupo ay ang ika-3 sa mga napatay sa engkwentro ng tropa ng gobyerno sa Guihulngan City ng wala pang isang buwan.
Sa panayam kay Lt. Col. William Pesase, Commanding Officer ng 62nd IB, sa Philippine News Agency noong Linggo ng gabi, isang sibilyan ang nagbalita sa kanila tungkol sa presensya ng mga armadong lalaki sa Barangay Trinidad.
“Acting on the information, the Army troops proceeded to Barangay Trinidad, and hours later, at around 6 a.m., encountered about five NPA rebels in one of the sitios (sub-village),” saad ni Pesase.
Dagdag pa nito, isang maikling palitan ng putok ang nangyari bago tumakas ang mga rebelde at iniwanan ang mga napaslang na mga kasama. Narekober mula sa encounter site ang isang M16 rifle.
Saad pa ni Pesase, sa pinakahuling engkwentro sa mga armadong grupo sa kaparehong banda, humigit-kumulang 20 rebeldeng NPA ng Central Negros 1, Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, at Siquijor (KR-NCBS) ang nasangkot sa serye ng sagupaan noong huling bahagi ng buwan sa mga nayon ng Planas, Buenavista, at Magsaysay sa Guihulngan City.
Ang mga rebelde ay “naghiwa-hiwalay sa mas maliliit na grupo” pagkatapos kaya hindi sila madaling matunton, “pero kami ay patuloy na hinahabol sila dahil sila ay tumatakbo at tumatawid sa mga hangganan papunta at mula sa Moises Padilla sa Negros Occidental,” dagdag niya.
Patungo na ngayon ang pulisya at ang lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng Guihulngan City para mabawi ang bangkay ng napatay na rebelde sa liblib na sub-village.
“Muli akong nananawagan sa mga natitirang miyembro ng CPP-NPA na isuko ang kanilang mga armas at talikuran ang kanilang armadong pakikibaka, kung hindi, maaari silang humantong sa parehong kapalaran tulad ng iba,” sabi ni Pesase.
Narekober ng mga sundalo mula sa 62IB ang bangkay ng dalawang miyembro ng NPA sa Sityo Ilihan sa Barangay Buenavista noong Oktubre 30 kasunod ng sunod-sunod na engkwentro.
“Sawang-sawa na ang mga tao sa kanila at ngayon ay nakikipagtulungan sa amin sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga rebeldeng NPA,” sabi ni Pesase.