Calatrava, Negros Occidental- Naglunsad ng rally ang mga residente mula sa bulubunduking barangay ng Calatrava, Negros Occidental bilang pagkondena sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o CPP-NPA sa Bantayanon Evacuation Center ng nasabing bayan noong ika-12 ng Hulyo 2022.
Ito ay matapos tagumpay na isinakatuparan ng Philippine Army ang dalawang araw na awareness seminar tungkol sa mga stratehiya ng rebeldeng grupo sa pagrerecruit ng kanilang mga kasapi at sa kanilang mga illegal na aktibidad na patuloy nilang ginagawa sa Hilagang Negros.
Tinatayang umabot sa 120 ka tao ang dumalo sa naturang seminar na hinati sa mga grupo, kung saan nagkaroon ng role-playing scenarios sa pagtugon sa mga problema sa bulubunduking mga barangay lalo na kung ito ay may kaugnayan sa insurhensya.
Bilang tugon, ang mga residente ay nagsagawa ng peace rally, kung saan dala-dala nila ang kanilang mga hinanaing laban sa mga karahasang patuloy na ginagawa ng rebeldeng grupo sa pamamagitan ng mga placards.
Nagpasalamat naman si Lt. Col. J-jay Javines, Commanding Officer, 79th Infantry Battalion (IB) sa mga residente, anya: “I highly appreciate the cooperation of the participants from Barangays Minapasuk, Marcelo, Winaswasan and Hilub-ang in making the seminar successful.”
Dagdag pa niya na ang pagturo sa kumunidad sa mga mahalagang impormasyon upang maiwasan ang pagkakaroon ng ugnayan sa rebeldeng grupo ay siyang pinakamabisang paraan sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Hilagang bahagi ng Negros.
Samantala, hinimok naman ni Calatrava Mayor Marilyn Era ang lahat ng mga residente sa bayan ng Calatrava na huwag ng suportahan ang makakaliwang CPP-NPA bagkus piliin na lang ang matiwasay na pamumuhay na malayo sa gulo at bakbakan.