Nanatiling “manageable” o kontrolado ang mga kaso ng acute respiratory infection (ARI) sa mga bayan sa hilagang bahagi ng Cebu na naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol, ayon sa ulat ng Provincial Health Office (PHO).
Sa panayam nitong Lunes, Oktubre 20, 2025, sinabi ni PHO officer-in-charge Mary Ann Josephine Arsenal na bahagya lamang ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit kumpara noong nakaraang buwan, at hindi pa ito nakababahala.
Batay sa datos mula sa rural health units (RHUs) na sumasaklaw sa panahon ng Oktubre 9 hanggang 17, pinakamaraming naitalang kaso ng ARI sa Daanbantayan, sinundan ng San Remigio at Bogo City. Samantala, walang naitalang kaso sa mga bayan ng Sogod, Tabuelan, at Tabogon sa parehong panahon.
Ayon kay Arsenal, ang bahagyang pagtaas ng bilang ng may sakit ay maaaring dulot ng pagbabago ng panahon at klima sa mga apektadong lugar sa hilagang bahagi ng Cebu. Ilan sa mga residente na naapektuhan ng lindol ay patuloy pang naninirahan sa mga pansamantalang tirahan o tent sa mga bukas na lugar.
Ipinaliwanag din ni Arsenal na ang influenza o trangkaso ay isang viral illness na karaniwang kusang gumagaling sa loob ng pito hanggang sampung araw.
“Since the illness is viral, some patients may not seek consultation if they only have a cough or colds, perhaps because they are used to it,” ani Arsenal.
Bilang tugon, namahagi ang PHO ng multivitamins at decongestants sa mga residente sa hilagang bahagi ng lalawigan. Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na magpahinga nang sapat, uminom ng maraming tubig, at umiwas sa mataong lugar upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Bukod dito, iniulat din ng PHO na mababa rin ang bilang ng mga kaso ng pagtatae sa mga apektadong lugar. Ang mga naitalang kaso ay ang mga sumusunod: San Remigio, 5 kaso; Daanbantayan, 3 kaso; at Bogo City na may 1 kaso.
Ang mga datos ay nakalap at mino-monitor ng Provincial Health Emergency Operation Center (PHEOC) sa Bogo City.
Source: CDF/Sunstar