Hinikayat ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas ang mga residente na naninirahan sa loob ng four-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Kanlaon na lumikas matapos ang pagputok nito noong Lunes ng hapon, Disyembre 9, 2024.
Sa isang video na ipinost sa opisyal na Facebook page ng SALTA Canlaon Official, nanawagan si Cardenas sa mga residente ng Lumapao, Malaiba, Pula, at Nasulo na agarang lumikas dahil nasa Alert Level 3 na ang lugar.
“Nananawagan ako sa lahat, lalo na sa mga nasa barangay na ito, na lumikas kaagad. Nasa Alert Level 3 na tayo, at ang kaligtasan ang dapat unahin,” ani Cardenas sa Cebuano.
Pinayuhan niya ang mga residente na maghanda sa pinakamasamang senaryo at binigyang-diin na unahin ang kaligtasan kaysa sa mga materyal na ari-arian tulad ng lupa, bahay, o mga alagang hayop.
Nagpadala na ang lokal na pamahalaan ng mga team upang suriin ang sitwasyon at magsagawa ng inspeksyon sa loob ng PDZ. Aktibo na rin ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at Incident Command System upang pangasiwaan ang mga emergency operation.
Nagpaalala rin si Cardenas sa mga residente na magsuot ng face mask o basang tela bilang proteksyon laban sa mapanganib na pyroclastic materials na maaaring ilabas ng bulkan habang nagpapatuloy ang pag-aalboroto nito.
Nagpadala rin ng team ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Canlaon City upang tumulong sa mga hakbang sa pagtugon.
Source: PNA