Kinumpirma ni DILG Secretary Benhur Abalos na titiyakin umano ng kasalukuyang administrasyon na mapapanagot at makukulong ang mga opisyal ng ating pamahalaan na sangkot sa ilegal na droga.
Ito ngayon ang pahayag ni Secretary Abalos kasunod ng pagdalo nito bilang panauhing pandangal sa Regional Rollout ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program na inilunsad sa Leyte Academic Center, Palo, Leyte na dinaluhan ng nasa 2,500 delegado mula sa mga LGUs at mga ahensya sa buong Eastern Visayas nitong Pebrero 8, 2023.
Sinabi ng kalihim na hindi lamang mga pulis ang tutukan ng administrasyon kundi kasama na dito ang mga pulitiko at mga opisyal ng gobyerno na responsable, kasabwat at may kinalaman sa pagkalat na mga ipinagbabawal na gamot sa mga lugar sa bansa.
Ito ngayon ang ginawang pagtitiyak ni Abalos matapos ipatupad ng ahensya ang panawagan na courtesy resignation o papagbitiwin sa pwesto ang lahat ng mga matataas na opisyal ng kapulisan mula sa ranggong ‘full pledge’ colonel hanggang sa mga heneral.
Ang hakbang na ito ng DILG ay alinsunod sa layunin ng administrasyong Marcos na tuluyan ng matuldukan ang pamamayagpag ng ilegal na droga kung saan pinaniniwalaang may iilang mga opisyal ng kapulisan at ng pamahalaan ang nasa likod nito bilang mga protektor.