Dumagsa ang mga deboto sa Jaro Metropolitan Cathedral upang magbigay-pugay at magdasal kay Nuestra Señora de la Candelaria o mas kilala bilang Nanay Cande nito lamang ika-30 ng Enero 2025.
Sa gitna ng kanilang pananalangin, nag-alay rin sila ng kandila bilang tanda ng kanilang pananampalataya at debosyon.
Habang papalapit ang taunang Pistang Jaro sa Pebrero 2, 2025 patuloy ang dagsa ng mga mananampalataya sa simbahan.
Bukod sa pagdarasal, iba’t ibang aktibidad ang inihanda ng pamunuan ng simbahan at ng lokal na pamahalaan upang ipagdiwang ang mahalagang okasyong ito.
Kabilang sa mga tradisyunal na gawain ang prusisyon, novena masses, at pagbabasbas ng mga kandila, na sumisimbolo sa liwanag at patnubay ng Birheng Maria.
Marami ring deboto ang naniniwalang may himalang dulot si Nanay Cande, lalo na sa pagpapagaling ng may sakit at pagtupad ng mga kahilingan.
Inaasahang mas dadami pa ang mga debotong bibisita sa susunod na mga araw, lalo na sa mismong araw ng pista.
Patuloy namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na panatilihin ang kaayusan at pagsunod sa mga patakaran upang maging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang.
Source: Panay News