Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Cebu sa mga business sector sa pagsasaayos ng mga silid-aralan, maayos na isinagawa ang turnover ng mga bagong silid-aralan sa Banawa Elementary School nito lamang Biyernes, Setyembre 23, 2022.
Pinangunahan ng Cebu City Local School Board at Rotary Club of Banawa ang turnover ng mga bagong ayos na silid-aralan na nasira sa pananalasa ng Bagyong Odette (Rai) noong Disyembre 2021.
Ayon ni LSB Public Relations Officer Gyle Ombajin, ang kanilang tanggapan ay nagbigay ng Php262,000 para sa pagbili ng mga construction materials na kailangan para sa pagkukumpuni ng mga silid.
Saad nito, nasa 33 pampublikong paaralan pa sa lungsod ang nangangailangan ng pagkukumpuni ngunit binanggit niya na ang mga istrukturang ito ay nangangailangan lamang ng maliliit na gawain.
Dagdag pa niya, ginagawa na nila sa ngayon ang mabilis na rehabilitasyon ng mga nasirang silid-aralan at umaasa ang kanilang tanggapan na matapos ang pagsasaayos sa Nobyembre 2022.