Narekober ang iilang mga armas sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng mga tauhan ng 12th Infantry Battalion ng Philippine Army at ng mga miyembro ng New People’s Army nitong ika 17 ng Pebrero sa bulubunduking bahagi ng Barangay Duran sa Dumalag, Capiz.
Ayon sa mga awtoridad, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga concerned citizen na mayroong mga rebeldeng indibidwal sa nasabing barangay at nagbabalak umanong mangikil sa mga residente.
Katuwang ang Philippine National Police, agad silang nagsagawa ng security patrol sa nasabing lugar na nauwi sa engkwentro. Humigit kumulang limang armadong NPA ang tinatayang nakasagupa ng grupo na agad naman ding tumakas sa encounter site.
Wala namang naiulat na sugatan sa panig ng pamahalaan habang mayroon namang mga pahid ng dugo ang nakita sa mga posibleng dinaanan ng tumakas na mga NPA.
Kabilang sa mga narekober sa encounter site ang isang homemade 12-gauge shotgun, isang .45-caliber pistol, dalawang anti-personnel mines with detonator switches, isang hand grenade, limang magazine para sa M16 rifle, dalawang magazine ng .45 caliber, sari-saring live ammunition, at mga gamot at personal na kagamitan.
Nagpasalamant naman ang mga awtoridad sa maagap na pagbibigay ng impormasyon ng mga residente upang matunton ang kinaroroonan ng nasabing mga rebelde. Hinimok din nila ang publiko na patuloy na ipagbigay alam sa mga awtoridad kung sakaling mayroong kahina-hinalang mga indibidwal sa kanilang komunidad.