Cebu City- Arestado ang dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang akusahan ng panggagahasa sa isang 17-anyos na dalagita sa isang abandonadong bahay sa Barangay Apas, bandang ala-1:00 ng madaling-araw noong ika-24 ng Abril 2025.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Onyot, 16 anyos at Jun, 25 anyos, kapwa residente ng nasabing barangay. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Mabolo Police, nagkaroon ng inuman ang tatlong lalaki (dalawa rito ay menor de edad) at dalawang menor de edad na babae.
Nang malasing ang grupo, dinala umano ng dalawang suspek ang biktima sa isang madilim at abandonadong bahay.
Ayon sa salaysay ng dalagita, sinubukan niyang lumaban ngunit nawalan na siya ng lakas dahil sa kalasingan. Pinilit umano siyang hubaran at kahit pakiusapan na tigilan na siya, nanaig ang dahas.
Pinilit pa raw ng mga suspek na ipasok ang kanilang ari sa bibig ng biktima, ayon sa ulat ng pulisya.
Agad na nagsumbong ang dalagita sa kanyang pamilya matapos ang insidente.
Bandang alas-6:00 ng umaga, nagsagawa ng hot pursuit operation ang Mabolo Police at matagumpay na nahuli ang dalawang suspek sa kani-kanilang bahay.
Patuloy namang hinahanap ang isa pang kasama nila.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law laban sa dalawang suspek. Samantala, isinailalim na sa stress debriefing ang biktima sa tulong ng barangay at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 7.
Source: AYB/Sunstar