Hindi natuloy ang deployment ng mga police personnel mula Cebu City papuntang Negros Oriental gaya ng plano matapos tanggihan ni Mayor Michael Rama ang hakbang.
Magpapadala sana ang Cebu City Police Office (CCPO) ng 340 police personnel sa Negros Oriental sa tagubilin ng Police Regional Office Central Visayas (PRO 7) na palakasin ang seguridad doon kasunod ng pagpatay kay gobernador Roel Degamo Jr. at walong iba pang katao sa loob ng kanyang residential compound sa bayan ng Pamplona noong Marso 4, 2023.
Ngunit umalma ang Alkalde at sinabing ayaw niyang bawasan ang bilang ng mga pulis sa lungsod.
Agad namang ipinaalam ni CCPO Chief PCol. Ireneo Dalogdog sa PRO 7 ang usapin.
Sinabi ng opisyal ng pulisya na tinawagan niya si PCol. Noel Flores, Deputy Director for Operations ng PRO 7, at ipinaabot ang mga alalahanin ng alkalde.
Ipinaalam ni Flores kay PRO 7 Director Brig. Gen. Jerry Bearis tungkol sa pagtutol ni Rama sa deployment ng mga tauhan ng CCPO sa Negros Oriental.
Kalaunan ay nagpasya ang regional police chief na magpadala ng mga tauhan mula sa Regional Mobile Force Battalion sa karatig lalawigan, ayon kay Dalogdog.
Inamin ng hepe ng CCPO na marami sa kanyang mga tauhan ang nag-aalala na mailipat sa Negros Oriental dahil maiiwan nila ang kanilang mga pamilya.
Sa kabila nito, nilinaw ni Dalogdog na hindi tinutulan ng kanyang mga tauhan ang kautusan dahil patakaran nila na laging handa sa deployment saan man sa bansa.