Umarangkada na ang pinakahihintay na selebrasyon ng ika-43 Masskara Festival, matapos ang pormal na pagbubukas nito na ginanap sa Bacolod City Government Center o BCGC nito lamang Oktubre 1, 2022.
Pinangunahan mismo ang magarang Opening Ceremony ni Mayor Alfredo Abelardo ‘Albee’ Benitez at ni Congressman Greg Gasataya at ang lahat ng mga Bacolodnon ay excited din sa muling pagbabalik ng naturang selebrasyon sa lungsod ng Bacolod.
Matapos ang dalawang taon, muling nagbabalik ang Masskara Festival na may temang “Balik Yuhom” o Smile Again.
Kabilang sa mga tampok sa nasabing aktibidad ang Masskara Costume fun ride, Masskara Trade Fair, Masskara Sports Olympics, Bikers fun ride, street dancing competition, live concerts at marami pang iba.
Tampok naman ang official theme song sa naturang selebrasyon na pinamagatang Balik Yuhom (Smile Again) na kinanta mismo ni Darren Espanto kasama si Sue Ramirez.
Samantala, inaasahan namang bibisita sa lungsod sina President Ferdinand Marcos Jr., kasama ang kanyang pamilya, si Senate President Juan Miguel Zubiri, at si Vice-President Sara Duterte.
Tinatayang nasa 200,000 bisita ang pupunta at dadayo sa Bacolod City para makiisa sa isa sa pinakamalaking selebrasyon sa buong bansa, habang nasa Php5 billion halaga naman ang revenue na inaasahang malikom sa loob ng halos 25 araw.
Inaasahang magtatapos ang selebrasyon sa darating na Oktubre 23 na gaganapin sa Paglaum Sports Complex.