Patay ang isang 59-anyos na mangingisda matapos mabundol ng overspeeding na motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tajao sa bayan ng Pinamungajan, Cebu nitong Miyerkules ng madaling araw, Hunyo 29, 2022.
Kinilala ni Corporal Ryan Manguilimutan, imbestigador ng Pinamungajan Police Station, ang nasawi na si Romeo Arnaiz, 59, residente ng Sitio Bulubugan, sa Barangay Tajao.
Kasalukuyang naka-admit sa Pinamungajan District Hospital ang driver ng motorsiklo na si Arnel Salido Servantes, 32, residente ng Barangay Luray sa Toledo City matapos magtamo ng ilang mga sugat sa katawan.
Ayon pa ni Manguilimutan, naglalakad umano si Arnaiz sa highway patungo sa kanyang karaniwang fishing ground bandang 3:30 ng madaling araw nang biglang binangga ni Servantes, sakay ng kanyang motorsiklo.
Sinabi pa ng mga nakakita sa pulisya na ilang minuto bago ang insidente, si Servantes ay mabilis na nagmamaneho na lumalabas pa sa kanyang lane.
Lumalabas sa imbestigasyon na nakipag-inuman si Servantes kasama ang isang kaibigan nito na nakatira sa Barangay Tajao bago ang insidente.
Kinumpirma rin ng manggagamot na humawak kay Servantes sa pulisya na siya ay lasing nang mga oras na iyon nang dinala siya sa ospital, dagdag ni Manguilimutan.
Sa kabila ng natuklasan ng manggagamot, iginiit ni Servantes sa pulisya na hindi siya lasing noong mga panahong iyon, ani Manguilimutan.
Dagdag pa ni Manguilimutan na inilipat na si Servantes sa Toledo City District Hospital para sa karagdagang paggamot.
Tiniyak naman ng pulisya na kulungan ang bagsak ni Servantes kapag nakalabas na ito sa ospital sapagkat maaari itong kasuhan ng reckless imprudence with homicide.
Source | https://www.sunstar.com.ph/article/1933413/cebu/local-news/fisherman-dies-after-being-run-over-by-drunk-motorcycle-driver-driver-insists-he-was-not-drunk