Mahigit sa 2,700 na mga residente mula sa ilang bayan ng Leyte ang nakinabang mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture, at Technical Education Skills Development Authority (TESDA) sa isinagawang Handog ng Pangulo Serbisyong Tapat Para sa Lahat sa Leyte Academic Center nito lamang Huwebes, ika-13 ng Setyembre 2024.
Kabilang sa mga nakinabang ang 2,000 na residente mula sa Tanauan at Palo sa payout ng TUPAD program ng DOLE, 500 benepisyaryo mula sa DA, 115 na benepisyaryo mula sa DTI, 117 na benepisyaryo mula sa TESDA, at 10 na benepisyaryo mula sa Small Business Corporation.
Isa sa mga tumanggap ng tulong ay si Juliet Mercado, 47, mula sa Libertad, Palo na nakinabang sa Pangkabuhayan Package ng DTI. Ayon kay Mercado, malaki ang magiging tulong nito sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
“Maraming salamat sa Pangulo dahil malaki ang magiging tulong nito sa amin, lalo na sa aming sari-sari store,” sabi ni Mercado.
Isa pang tumanggap ng tulong ay si Estelita Balbes, 82, mula sa Tanauan. Tulong din siya sa mga TUPAD beneficiaries mula sa Tanauan.
“Nagpapasalamat ako dahil malaki ang magiging tulong nito sa aming pamumuhay. Magagamit ko ito para sa pangangailangan sa bahay at pagbili ng aking gamot” sabi ni Balbes.
Pinangunahan ni Leyte Governor Carlos Jericho Petilla ang Handog ng Pangulo program sa LAC kasama ang ilang local chief executives sa probinsya.
“Ito ay hindi lang para sa birthday ng Presidente. Naka-schedule din na magbigay kami sa iba’t ibang bayan. Ang ginawa namin, tinipon namin sila para ang pamamahagi ay makita ng Presidente,” paglilinaw ni Gov. Petilla.
Dagdag pa ni Gov. Petilla, humiling siya sa mga ahensya ng gobyerno, lalo na sa DOLE, na sana hindi lamang pera ang ibigay kundi pati na rin ang mga livelihood assistance upang maging sustainable ang programa.
“Bagaman kailangan pa rin ang mga handog na pera, ngunit ang susunod na buwan ay magdudulot pa rin ng problema kung hindi tayo magbibigay ng livelihood assistance. Kahit na maliit na porsyento lang ang magtatagumpay, hindi na natin magiging problema ang natitirang porsyento,” dagdag ni Gov Petilla.
Kabilang sa mga tumulong sa Handog ng Pangulo ay ang 20 DTI-assisted micro, small, medium enterprises (MSME) at dalawang distributor.
Panulat ni Cami