Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) regional office ng Php10,000 emergency shelter assistance (ESA) sa bawat isa sa 12,392 pamilyang naapektuhan ng bagyong Odette na nanalasa sa rehiyon noong 2021.
Ayon kay Jonalyndie Chua, DSWD 8 (Eastern Visayas) information officer, sa isang panayam sa telepono nitong Martes ay nagsabing aabot sa Php123.92 milyon ang nai-release sa mga pamilya.
Sa 12,392 pamilya, 541 ay mula sa Inopacan, 947 mula sa Hindang, 1,135 mula sa Matalom; at 283 ay mula sa Mahaplag at Javier, pawang nasa lalawigan ng Leyte.
Sa lalawigan ng Southern Leyte, ang mga tumanggap ay 940 pamilya sa Macrohon, 2,315 sa Maasin, 1,301 sa Limasawa, 526 sa Hinundayan, 1,025 sa Pintuyan, 986 sa Libagon, 1,093 sa San Francisco, 1,116 sa San Ricardo at 184 sa Silago.
Patuloy naman ang pamamahagi ng shelter aid sa ibang mga lugar na hinagupit ng mapanirang bagyo, ani Chua.
Ang ESA ay isang programa ng DSWD upang tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad na may mga nasirang bahay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal upang suportahan ang kanilang pagbangon, partikular na sa pagkukumpuni at muling pagtatayo ng kanilang mga bahay na napinsala ng bagyo.
Aminado ang opisyal na matagal ang proseso ng pagpapalabas ng tulong dahil ito ay base sa rehabilitation and recovery plan na binalangkas ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa pamamagitan ng serye ng assessment at consultation activities.
Nakumpleto ng NEDA ang pagbalangkas ng plano sa unang quarter ng 2022.
Nangangailangan din ito ng validation ng mga lokal na pamahalaan at pagsusuri ng National at Regional Disaster Reduction Councils bago ipasa ang panukalang budget sa Department of Budget and Management (DBM).
“Naantala din ang proseso noong panahon ng eleksyon ngayong taon. Na-download ng DBM ang budget sa DSWD noong Oktubre at hiniling namin sa concerned local government unit na ipadala sa amin ang validated list,” sabi ni Chua.
Tiniyak ng opisyal na lahat ng mga apektadong pamilya ay makakatanggap ng tulong hangga’t ang kanilang mga pangalan ay isinumite ng mga pamahalaang lungsod o munisipyo.
Nasa mga pamilyang tatanggap kung paano nila gagastusin ang shelter aid, ayon kay Chua.
May kabuuang 185,529 na bahay ang nasira, kabilang ang 52,150 na nawasak nang tumawid sa rehiyon ang Bagyong Odette noong Disyembre 16, 2021.
Ang mga nasirang bahay ay karamihang matatagpuan sa mga lugar sa baybayin at ginawa gamit ang mga light materials. Karamihan sa mga partially damaged na bahay ay gawa sa mabibigat na materyales ngunit nawasak pa rin dahil sa lakas ng hangin ng bagyo, ayon sa NEDA.