Mahigit Php 3.4 milyon na pinansyal na tulong ang ipinagkaloob sa 74 na dating miyembro ng armadong grupong New People’s Army (NPA) sa probinsya ng Samar nito lamang Pebrero 13, 2025.
Sa mga nakatanggap ng tulong, 37 ay mga regular na miyembro ng NPA, 17 ay mga miyembro ng Milisyang Bayan, at 20 naman ay mga mass supporters.
Ang mga tumanggap ng pinansyal na tulong ay mula sa mga bayan ng Basey, Calbiga, Motiong, Marabut, Pinabacdao, Paranas, San Jorge, at Villareal sa Samar, pati na rin mula sa Dolores sa Eastern Samar at Las Navas sa Northern Samar.
Pinangunahan ang pamamahagi ng tulong nina Gobernador Sharee Ann Tan ng Samar, Col. Carmelito Pangatungan, at Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Samar na si Judy Batulan, kasama si Alma Austero, ang hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office.
Nagpasalamat nang taos-puso ang mga benepisyaryo sa tulong at sinabi nilang ang patuloy na suporta mula sa gobyerno ay nagbibigay sa kanila ng pag-asa para sa isang mas magandang buhay habang sila ay nagbabalik sa lipunan. Kinikilala rin nila ang mahalagang papel ng mga kasundaluhan sa pagtulong sa kanilang muling pagbabalik sa isang mapayapa at normal na pamumuhay.
Panulat ni Cami
https://www.facebook.com/share/p/18HEdregMe/