Ibininahagi ng pamunuan ng Police Regional Office 8 na nagdeploy ito ng Kapulisan upang tiyakin ang seguridad at kaayusan ng pagdaraos ng Eastern Visayas Regional Athletic Association (EVRAA) Meet ngayong taon.
Ayon sa PRO8, nasa 446 PNP personnel ang kanilang ipinakalat sa Tacloban City, Palo, Sta Fe at Tanauan, gayundin sa ilang bahagi ng Leyte upang masiguro na maayos ang pagdaraos ng mga aktibidad na tatagal ng halos tatlong araw.
Ang mga nasabing PNP personnel ay mangunguna sa pagbibigay ng seguridad lalo na sa billeting at sports area. Samantala, nakadestino naman ang iba pang tauhan nito sa checkpoints, tourists assistance desks, areas of convergence, sa mga malls, pantalan at terminal, gayundin sa trapiko at iba pa.
Kaugnay dito ay ipinag-utos narin ni Police Brigadier General Rommel Francisco Marbil, Regional Director sa lahat ng PNP units na maging alerto sa lahat ng pagkakataon at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang masiguro na maayos ang pagdaraos ng EVRAA Meet 2023.
“As we are expecting more or less 5,000 delegates coming from different parts of the Region, I ask the full cooperation of everybody to make this EVRAA Meet 2023 a safe, secured, and successful one,” pahayag ni PBGen Marbil.
Batay sa datos, nasa 5,149 mga kalahok mula sa mga bayan at lalawigan ang inaasahang dadalo sa EVRAA kung saan ang School Divisions of Leyte at Tacloban City ang hosts division ngayong taon.