Mahigit 100 tauhan ang naatasan bilang enforcer ng batas sa transportasyon sa ilalim ng pinalawak na deputation program ng Land Transportation Office (LTO) sa Central Visayas.
Inihayag ni Glen Galario, Regional Director ng LTO-7, nitong Biyernes na bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak na programa ng ahensya sa pamumuno ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza upang palakasin ang pagpapatupad ng batas trapiko.
Kasama sa programa ang mga seminar na naglalayong sanayin at kwalipikahin ang mga tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at tagapagpatupad ng batas bilang deputized agents ng LTO.
“Through the guidance of Asec. Mendoza, we’ve conducted these seminars to support our enforcement teams. We are grateful for the cooperation of our partners in strengthening our capacity to uphold traffic laws,” ayon kay Galario.
Sa nakalipas na apat na buwan, mahigit 100 agents ang na-deputize sa rehiyon, kabilang ang 20 tauhan mula sa Highway Patrol Group ng Philippine National Police, na kasalukuyang naghihintay ng kanilang opisyal na deputation IDs na pirmado ng LTO chief.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 368 deputized agents ang LTO-7 mula sa kanilang hanay at mga katuwang na opisina.
Source: PNA