Mabuti na lagay na panahon ang asahan ng mga Cebuano sa araw ng Bagong Taon. Ito ang inihayag ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) Visayas Chief, Engr. Al Quiblat, noong Miyerkules, Disyembre 28, 2022, sa kabila ng low pressure area (LPA) na huling namataan sa layong 475 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur na nakaapekto sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Quiblat na ang LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay maaaring lumakas at maging tropical cyclone at magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa nitong Miyerkules, Disyembre 28.
Sinabi ng opisyal ng weather bureau na maulap na kalangitan na may mahina hanggang katamtamang pag-ulan at paminsan-minsang malakas na pag-ulan ang inaasahan sa Cebu.
Pero iginiit niya na maliit ang tsansa na maging bagyo ang LPA.
“Sugod Thursday (December 29), mag-improve ang ating weather condition. So medyo makita na nato ang hayag sa araw, partly cloudy to cloudy,” ani Quiblat, at idinagdag na ang bilis ng hangin ay tataas din sa 20 hanggang 30 kilometro bawat oras.
“Sa December 30, mas mabuti na ang panahon up to January 1. Hindi ta mag-expect og wet New Year,” saad pa nito.
Sinabi rin ni Quiblat na inaasahang 24 hanggang 28-degree Celsius ang temperatura sa Cebu sa Huwebes at 24 hanggang 31 degree Celsius sa mga susunod na araw o hanggang Enero 1.
Hanggang alas-11 ng umaga nitong Miyerkules, sinabi ni Quiblat na inalis na nila ang gale warning na nakataas sa Central Visayas, kabilang ang Cebu, Bohol, Negros Oriental, at Siquijor.