Karaniwang kilala bilang MacArthur Park, isa sa mga makabuluhang landmark ng Leyte. Dito matatagpuan ang sikat na bronze statue ni Heneral Douglas MacArthur na gumugunita sa kanyang makasaysayang pagbabalik sa isla ng Leyte noong unang bahagi ng hapon ng Oktubre 20, 1944.
Itinayo kasama ng stutue ng magiting na Heneral ang kanyang mga kasamang Pilipinong dumaong noon na sina Presidente Sergio Osmeña, Heneral Carlos Romulo at apat pang sundalo. Dahil sa kahalagahan ng parke sa kasaysayan ng Pilipinas, idineklara rin ito bilang National Historical Landmark noong taong 2004.
Nakasulat sa marmol na pader sa harap ng mga bronze statues ang pangakong pagbabalik ni Heneral MacArthur na nananatili sa puso ng lahat ng Leyteño. Tunay nga na ang isang pangakong natupad ay patuloy na nagbibigay ng pag-asa sa kasalukuyang henerasyon.
Ang parke ay matatagpuan sa Brgy. Candahug, Palo, Leyte na tatlong kilometro ang layo mula sa town proper.
Source: https://sbpalo.com/portfolio/story-2/