Mas pinalawak pa ng LTO Region 6 ang kanilang kampanya kontra road crashes kasabay ng selebrasyon ng National Day of Remembrance for Road Crash Victims na ginaganap kada-ikatlong Linggo ng Nobyembre.
Nitong araw lamang, November 12, 2025, nagsama-sama ang mga cyclists, transport cooperatives, bus drivers at conductors, riders, road safety advocates at ICTTMO bilang pag-alala sa mga biktima ng aksidente.
Nanguna sa naturang aktibidad si Atty. Gaudioso Geduspan II, LTO 6 Regional Director, at si Assistant Regional Director Jeck Conlu na siyang kasalukuyang LTO NIR OIC RD, na nagsabing ngayong taon, mas tumaaa ang bilang ng aksidente sa mga kalsada kumpara noong nakaraang taon.

Sa Region 6 lamang, tinatayang nasa 300 show cause orders ang ibinaba ng ahensya ngayong taon, kadalasan dito ay nagmula sa mga viral posts, road rage incidents at iba pang paglabag ng trapiko. Ayon pa ng LTO, ang pagkakaroon ng lisensya ay isa lamang pribilehiyo na maaaring ikansela o marevoke sakaling mapatunayan na may paglabag sa mga batas trapiko.
Kasabay sa programa ang isinagawang road safety seminar na pinangunahan ni Michael Costuya, in-house lecturer, kung saan tinalakay nito ang iba’t ibang mga traffic rules, mga kadalasang dahilan ng aksidente at ang mga dapat gawin upang maiwasan ang disgrasya.
