Monday, May 12, 2025

HomeNewsLimang lalaki inaresto sa Eastern Samar dahil sa pagdadala ng Baril sa...

Limang lalaki inaresto sa Eastern Samar dahil sa pagdadala ng Baril sa gitna ng Gun Ban

Inaresto ng pulisya nitong Lunes Mayo 11, 2025 ang limang lalaki sa Arteche, Eastern Samar dahil sa pagdadala ng mga baril bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga lumalabag sa ipinatutupad na election gun ban.

Nasabat ng mga pulis ang isang Isuzu Elf truck na may sakay na mga armadong lalaki sa isang checkpoint sa kahabaan ng pangunahing kalsada sa Barangay Tangbo, bayan ng Arteche, bandang alas-5 ng umaga.

Ang mga suspek, na pawang residente ng Arteche, ay kinilala sa kanilang mga alyas na sina Milo, 38 anyos, tsuper ng truck mula sa Barangay Balud; Red, 43 anyos, isang magsasaka mula sa Barangay Beri; Kiel, 43 anyos, drayber ng motorsiklo; Rey, isang mangingisda; at Romy, isang welder — lahat mula sa Barangay Rawis.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang dalawang mahabang baril, tatlong maiikling baril na may mga bala, tatlong handheld radio na may headset, isang sling bag, at isang cellphone.

Ayon sa ulat na natanggap ng Police Region Office 8 (PRO-8), habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng 801st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 8, katuwang ang Arteche Municipal Police Station, kanilang pinahinto ang isang puting Isuzu Elf truck.

Napansin umano ng mga pulis na “kita sa kilos ng drayber ang pagkabalisa at tila nais umiwas sa checkpoint”, kaya’t agad nila itong pinahinto at isinailalim sa visual inspection, ayon sa PRO-8.

“Habang nagsasagawa ng inspeksyon, napansin ng mga pulis ang hawakan ng baril na bahagyang nakalitaw at nakatago sa ilalim ng isang trapal. Dahil dito, agad nilang pinababa ang lahat ng pasahero. Sa masusing paghalughog sa sasakyan, nakumpiska ang mga baril,” pahayag ng ulat.

Ang limang lalaki ay kasalukuyang nakakulong sa Arteche Municipal Police Station at sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa election gun ban.

Pinaalalahanan ng PRO-8 ang publiko na ang gun ban, na mananatiling epektibo hanggang Hunyo 11, ay mahigpit na nagbabawal sa pagdadala, pagbitbit, o pagbiyahe ng mga baril o iba pang nakamamatay na armas sa pampublikong lugar — lisensyado man o hindi — maliban kung may nakasulat na awtorisasyon mula sa Commission on Elections (COMELEC).

Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]