Ligtas ang lahat na 126 na pasahero at tripulante na sakay ng isang lantsa na nasunog noong Linggo, Hunyo 18, 2023, habang bumibiyahe mula Siquijor patungong Bohol matapos agad na maapula ang apoy, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Nasunog ang MV Esperanza Star ng Kho Shipping Lines madaling-araw noong Linggo habang bumibiyahe kasama ang 65 pasahero at 61 tripulante.
Sinabi ng PCG na nagtalaga ito ng dalawang sasakyang-dagat upang iligtas ang mga taong sakay ng barko at tumulong sa pag-apula ng apoy, na umalab ng mahigit limang oras.
Natanggap ng PCG ang distress call mula sa Esperanza Star alas-3:55 ng umaga, mga 35 minuto bago ang nakatakdang pagdating nito sa daungan ng Tagbilaran City, na nag-ulat ng sunog sa engine room.
Ang mga larawan at video na inilabas ng PGC ay nagpapakita ng mga apoy at itim na usok na kumukulo mula sa dalawang deck sa isang dulo ng lantsa.
Ang mga tauhan ng coast guard na sakay ng isa pang barko ay gumamit ng water cannon para apulahin ang apoy habang ang isang bangkang pangisda at isa pang barko ay makikitang tumulong sa malapit.
Sinabi ni PCG District Central Visayas Commander, Mark Larsen Mariano na nasa 500 metro na ang layo ng barko mula sa baybayin nang masunog ito sa Panglao Island.
Lahat ng pasahero at tripulante ay dinala sa Tagbilaran port at binigyan ng almusal, ayon kay Anthony Damalerio, pinuno ng Bohol Provincial Risk Reduction and Management Office.
Sinabi ni Damalerio pagkaraang matanggap ng PCG ang distress call, ang mga mangingisdang malapit sa nasusunog na barko ang unang nagligtas sa mga pasahero.
Tumulong din sa rescue operation ang isang barko mula sa Trans-Asia Shipping Lines upang matiyak na makakarating sa daungan ang lahat ng pasahero at tripulante.
Sinabi ni Damalerio na ligtas ang lahat ng mga pasahero at tripulante.
Nagmula ang barko sa Iligan City, Lanao del Norte, at huminto sa Lazi, Siquijor bago ito tumulak patungo sa daungan ng Tagbilaran.
Sa isang press statement, nagpahayag ng pasasalamat ang Kho Shipping Lines sa mga tumulong sa pag-apula ng apoy, kabilang ang mga mangingisdang tumulong sa mga pasahero.
Inihayag ng shipping line na dahil sa insidente, isa pang barko, ang MV Cataingan ang papalit sa MV Esperanza Star sa pagsisilbi sa parehong ruta.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang PCG para matukoy ang sanhi ng sunog.