Inirekomenda ng Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), sa pangunguna ni Governor Sharee Ann Tan, sa Sangguniang Panlalawigan ng Samar na ideklara ang lalawigan sa ilalim ng State of Emergency. Ang nasabing rekomendasyon ay napagkasunduan sa pulong noong Mayo 17, 2025.
Ang naturang rekomendasyon ay bunga ng kasalukuyang sitwasyon ng San Juanico Bridge, kung saan pansamantalang limitado lamang sa mga sasakyang may bigat na hanggang 3 tonelada ang pinapayagang makatawid. Ang tulay na ito ang tanging nag-uugnay sa mga isla ng Leyte at Samar.
Nagpasa rin ang konseho ng isang resolusyon na humihiling sa Philippine Navy na magtalaga ng isang sasakyang pandagat na makatutulong sa pagdadala ng krudo, medical supplies, at iba pang mahahalagang produkto mula Tacloban patungong Catbalogan.