Arestado ng mga tauhan ng Toledo City Police Station ang isang lalaki matapos mahuling may dalang baril at umano’y ilegal na droga na itinago pa sa loob ng kanyang brief sa Barangay Subayon, Toledo City dakong alas-3:50 ng madaling-araw noong Miyerkules, Abril 16, 2025.
Kinilala ang suspek na si Ained Alriandy Cabañog Desquitado, 28 anyos, may asawa at residente ng naturang lugar.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nagsabing may armadong lalaki sa kanilang lugar. Nang rumesponde ang mga operatiba, nadatnan nila si Desquitado na may dalang baril.
Hinilingan siya ng dokumento bilang patunay na legal ang kanyang pagmamay-ari ng naturang armas, subalit wala siyang naipakitang anuman. Dahil dito, agad siyang inaresto.
Nakuha mula sa kanya ang isang 9mm na pistol na may dalawang bala sa magazine.
Bilang bahagi ng standard operating procedure (SOP), isinailalim si Desquitado sa body search pagdating sa himpilan. Doon natuklasan ang dalawang medium-sized na pakete ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng kanyang brief. Ang mga ito ay may kabuuang bigat na 9.62 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php65,416.00.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms) na may kaugnayan sa Comelec gun ban, at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).