Tuesday, December 24, 2024

HomePoliticsSectoral NewsKarahasan, panlilinlang at ang kabataan na pag-asa ng Perlas ng Silangan

Karahasan, panlilinlang at ang kabataan na pag-asa ng Perlas ng Silangan

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” wika ni Dr. Jose Rizal. Sa makabagong panahon na umiinog sa teknolohiya na siya namang humuhubog sa kamalayan ng sambayanan, tila nakamamatay na sakit ang mga kasinungalingang kumakalat at nasasagap ng kabataan. Paano magiging pag-asa ng bayan ang kabataan kung maaga siyang mahihimlay sa hukay dulot ng panlilinlang?

Talamak sa makabagong panahong ito ang mga salitang namumutawi sa bibig ng mga tila pantas at makabayan: lumaban upang palayain si Juan mula sa mapaniil na sistema kung saan naghahari ang mga burgesyang komprador. Anila, nararapat baligtarin ang tatsulok― itaas ang mga magsasaka at naghihirap na lipi at bigyang hustisya ang lakas paggawa. Sinumang nakararanas ng paghihirap ay magngangalit at mag-aapoy ang diwang makabayan; isa ang kabataan sa mga sektor na tutugon sa ganitong taghoy. Ngunit may malungkot na katotohanang nagkukubli sa pagitan ng mga salitang “makamasa”: gagamitin lamang ang kabataan bilang sandata upang isulong ang makasariling hangarin para sa kapangyarihan.

Mag-uumpisa ang panlilinlang sa paglapag ng isang kasapi ng kawan; magpapanggap na tagapagsulong ng karapatan ng mahihirap at kabataan. Sisigaw at mananawagan upang wakasan ang kakulangan sa aklat, mataas na presyo ng bilihin, o kahirapan. Ang batang Juan na nakakikita sa kanyang ina na tumatangis o sa kanyang ama na nagkakasakit dahil sa pagtatrabaho araw-gabi ay madaling mahihimok na sumapi sa rebolusyon. Lingid sa kanyang kaalaman, walang patutunguhan ang kanyang sasalihan. Ilang dekada na bang nililinlang ng mga ganitong tao o organisasyon ang mga kabataan? Ilang buhay pa ba ang itatapon nila sa pagsulong ng pansariling interes?

Aakyat si totoy o nene sa kabundukan upang doon manilbihan. Kunwari ay upang matamasa ang kalayaan at kaginhawaan. Walang habas ding babaluktutin ang mga turo at ideolohiya ni Bonifacio o Rizal na nakipaglaban para sa tunay na kasarinlan. Pipitikin ang damdamin ng kabataan at sila’y tataniman ng galit sa mga dibdib laban sa kanilang mga magulang. Pipigilan silang makita si ama o ina na siyang mga taong ginamit na dahilan upang paanibin sa samahan ang kawawang Juan. Ang punto: mag-alay ng buhay para sa kinabukasan ng bayan. Ngunit sa matatamis at maramdaming tapik sa balikat at pagtaas ng kamao ay may nagbabadyang panganib. Pang-aalipin at paglapastangan sa katawan ng mga kababaihan upang mairaos ang gutom para sa laman ng mga pinuno o kadreng tagapaglinlang

Ang pagkakapaslang sa mga kabataan dulot ng digmang bayan ay ilalahad bilang “pagsasakripisyo para sa ikabubuti ng bayan,” gaya ng sinabi ng dating kinatawan ng Kabataan partylist. Bayani nga bang maituturing ang mga nalinlang na musmos na kaisipan o natapong pangarap na lang dahil sa kagutuman sa kapangyarihan? Ang mga buhay na nilaan para sa ligaw na pakikibaka ay naglalaho at nakalimutan. Tila basura na walang halaga at hinayaang mabaon sa kabundukan upang hindi na muling masumpungan.

Hindi mapagkakailang maraming dapat isaayos sa sistema ng bansa; pulitika man, edukasyon, ekonomiya, o usaping pangseguridad ay may kanya kanyang hamon. Ngunit ang pakikibaka at pagsuporta sa mga gawaing terorismo ay hindi sagot. Bilang kabataan, unawain mo kung ano ang kailangan. Kailangan ng inang bayan ng isang mamamayang may pagmamahal sa kanya na magsasaayos ng lahat. Kailangan ng mga kaisipang mayayabong sa mga ideya. Kailangan ng bansa ng mga taong gaya mo na mataas ang kalidad ng integridad upang mamuno at gumawa ng pagbabago. Kailanman ang karahasan ay hindi magiging solusyon sa kahirapan. Linangin mo ang sariling kakayahan, umakyat sa tugatog at iangat ang mga nasa laylayan ng Lipunan sa pamamagitan ng mga batas na nakaangkla sa hustisyang panlipunan at progresibong pag-unlad. Patidin mo ang tanikalang nagbibigkis sa iyong talento at talino. Hindi ka nag-iisa. Kami’y maghihintay sa gaya mo na tunay na pagmamahal sa Perlas ng Silangan.

RELATED ARTICLES

STAY CONNECTED

278FansLike
1FollowersFollow
54FollowersFollow
437FollowersFollow
157SubscribersSubscribe