Kinoronahan na Miss Sinulog Festival Queen 2023 ang pambato ng City of Talisay na si Kiara Liane Wellington matapos ang naganap na coronation night sa Cebu City Sports Center noong Biyernes, Enero 13, 2023.
“Hindi ko lang akalain [ako ay mananalo]. Pinaghirapan ko ito at hindi ako makapaniwala na ako ang Miss Sinulog 2023,” saad ni Wellington sa panayam rito pagkatapos ng coronation.
Noong Enero 9, ginawaran si Wellington ng “Best in Runway, AweSM Sinulog Festival Queen 2023, at Miss Listo Ganado” sa SM Seaside Cebu.
Sa Festival Queen Runway Competition at Parade of Costumes, sinabi ni Wellington na para sa coronation night, siya ay “magsisikap, magdasal kay Sto. Niño, at mag-eensayo ng maigi dahil sa mabigat na costume.”
Lahat nga ng ipinagdasal ni Wellington sa batang sa santo ay nagkatotoo noong araw ng koronasyon.
“Pray to him. Pray to Sto. Niño and he will make your dreams come true,” saad pa niya.
Kabilang pa sa mga iginawad kay Wellington sa nasabing paligsahan ay ang nasa 12 corporate awards at dalawa sa limang special awards.
Itinanghal naman sa naturang competition ang pambato ng Carcar City na 1st Runner Up; 2nd Runner-up ang kinatawan ng Toledo City; 3rd Runner-up ang Lapu-Lapu City; at 4th Runner-up naman ang kinatawan ng Inayawan.