Isinuko ng isang residente sa mga miyembro ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) ang mga gamit na umano’y ginagamit sa paggawa ng armas nitong Linggo, Oktubre 5, 2025, dakong alas-3:30 ng hapon sa Sitio Lantawan, Barangay Cahumayan, Danao City.
Ayon sa ulat, naganap ang pagsuko sa gitna ng isinagawang Oplan Katok, bilang bahagi ng proactive Internal Security Operation (ISO) at anti-criminality drive ng kapulisan.
Kusang lumapit sa mga awtoridad ang nasabing indibidwal upang iturn-over ang iba’t ibang kagamitan gaya ng mga steel piles, isang lower receiver ng .45 caliber pistol, isang AR15 handle, drill chuck, bench grinder, at bench motor. Ang mga ito ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng 1st PMFC.
Ang naturang pangyayari ay kasunod ng pagkakahuli sa dalawang indibidwal noong Oktubre 2, 2025, matapos silang maaktuhang gumagawa ng paltik na baril sa lungsod ng Danao.
Tiniyak naman ng Police Regional Office (PRO) 7 na magpapatuloy ang kanilang kampanya, katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders, upang tuluyang mapigil ang pagkalat ng mga loose firearms at mabuwag ang pagpapalaganap ng iligal na armas sa buong Central Visayas.
Source: AYB/Sunstar
